Pag-atras ni dating VP Noli de Castro sa kandidatura, nirerespeto ni Manila Mayor Isko Moreno

Nirerespeto ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno ang naging desisyon ni dating Vice President Noli de Castro na umatras sa pagtakbo sa pagkasenador sa 2022 national elections.

Sa inilabas na pahayag ni Mayor Isko na siya ring namumuno ng kanilang partidong Aksyon Demokratiko, may mga personal na dahilan si De Castro kung bakit hindi na siya tutuloy sa pagkandidato bilang senador.

Aniya, sa simula pa lamang nang puntahan ng grupo ni Yorme si dating VP De Castro para kumbinsihin kumandidato, pinag-isipan muna niya ito bago nakapagdesisyon.


Pero iginiit ni Mayor Isko na kasabay ng desisyon ni De Castro, umaasa sila na ipagpapatuloy pa rin niya ang pagtulong sa publiko at suporta sa kanilang partido.

Sinabi naman ni Aksyon Demokratiko Chairperson Ernest Ramel, kahit na nag-withdraw si De Castro ay parte pa rin ito ng kanilang partido kung saan kukunsulta pa rin sila sa dating bise presidente lalo na’t marami itong nalalaman pagdating sa usapin ng serbisyo publiko.

Facebook Comments