Pag-imprenta ng mga balota ngayong araw para sa BSKE, ipinagpaliban na ng COMELEC

Tuluyan nang ipinagpaliban ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-iimprenta ng mga balota para sa Barangay at SK Election (BSKE).

Ito ay kasunod ng nangyaring aberya sa power supply ng National Printing Office (NPO) kaninang tanghali.

Ayon kay COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, bagama’t sa mga oras na ito ay gumagana naman na ang suplay ng kuryente sa NPO, partikular na sa printers at printing areas nito.


Ani Laudiangco, ang nawalan lang ng power supply ay ang CCTV at servers kung kaya’t minabuti na lamang na ipahinto nila ang printing activities ngayong araw hangga’t hindi naisasaayos ang problema.

Ipagpapatuloy ng COMELEC ang pag-iimprenta bukas simula alas-8:00 ng umaga.

Magtatalaga rin ang COMELEC Education and Information Division ng documentation and coverage team na magre-record at live-stream ng proseso para maipagpatuloy ang printing ng mga balota.

Samantala, dahil sa insidente, sinabi ng COMELEC na posibleng abutin ng hanggang apat na araw ang pag-iimprenta ng mga balota.

Facebook Comments