Pag-veto ni PBBM sa panukalang naipasa kahit hindi pa siya pangulo, umaayon sa Konstitusyon

Ayon kay dating Senate Minority Leader Franklin Drilon, may karapatan o kapangyarihan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na aprubahan o ibasura ang mga panukalang batas na naipasa ng Kongreso at nai-transmit sa Malacañang kahit noong panahong hindi pa siya ang naka-upong pangulo ng bansa.

Tinukoy ni Drilon na nakasaad sa Article 6 Section 27 ng ating konstitusyon, ang bawat bill o panukalang batas na naipapasa ng kongreso ay dadaan o ipiprisinta muna sa tanggapan ng pangulo.

Kung aprubado ito ng pangulo, ay lalagdaan niya ito pero kung hindi ay maaari niya itong i-veto at ibalik sa Kongreso kung saan nakasaad ang mga dahilan o tinututulan niyang probisyon sa panukalang batas.


Diin ni Drilon, sa ilalim ng ating konstitusyon ay walang utos na dapat ang mag-apruba o magbasura sa panukalang batas ay ang nakaupong pangulo ng mai-transmit ito sa Office of the President.

Ginawa ni Drilon ang paliwanag kasunod ng mga tanong kung saklaw na ba ng prerogative ni PBBM ang ginawa nitong pag-veto sa Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport Act na ipinasa ng 18th Congress habang si dating Pangulong Rodrigo Duterte pa ang nakaupo.

Binanggit ni Drilon na maging si dating Pangulong Duterte ay nag-veto din ng dalawang panukala na naipasa sa 16th Congress pagka-upo sa Palasyo.

Sabi ni Drilon, ito ay ang panukalang National Electrification Administration Reform Act at ang Proposed Act Banning the Reappointment of a Regular Member of the Judicial and Bar Council.

Facebook Comments