Pagbababa ng alert level sa NCR, ikonsulta muna sa health experts – Atty. Gutierrez

Hinimok ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang pamahalaan na kumonsulta muna sa mga eksperto bago magdesisyon hinggil sa mga ipatutupad na polisiya sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Kasunod ito ng mga panawagan ng mga negosyante na ibaba na sa Alert Level 2 ang Metro Manila sa harap ng tuloy-tuloy na pagbabang kaso ng COVID-19.

Sa Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez na mahalagang makipag-ugnayan din ang gobyerno sa mga medical frontliners dahil ang araw-araw na humaharap sa pandemya.


Pero ang malinaw aniya, dapat pa ring mag-ingat ang lahat sa virus.

“Very optimistic itong nakikita nating pagbaba ng numero, tuloy-tuloy… nakakapagbigay ng konting saya yung mga projection nga ng OCTA na baka raw by December 1,000 na lang per day ang kaso,” ani Gutierrez.

“Pero sa kabila nito, klaro na kailangan pa rin nating mag-ingat. Kailangan hindi pa rin natin kaligtaan yung mga precautions katulad ng pagsusuot ng mask, pagme-maintain ng social distancing,” dagdag niya.

Dagdag pa ni Gutierrez, dapat ding tuloy-tuloy ang pagbabakuna hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga probinsya.

“Ito yung mahalaga, tuloy-tuloy yung proseso ng rollout ng bakuna. Sa NCR halimbawa, mataas na yung vaccination rate pero sa probinsya, Ka Ely, maraming lugar na napakababa pa ng porsiyento ng mga kababayan nating naba-vaccinate. So, kailangan yun talaga ang tutukan,” panawagan niya.

Samantala, una nang pinalawig ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang Alert Level 3 sa NCR simula November 1 hanggang November 14.

Facebook Comments