Nanawagan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Kongreso na bigyang-pansin ang Magna Carta for Public DRRM Workers.
Layong nito na mabigyan din ng benepisyo at proteksyon ang mga local disaster workers gaya ng mga rescuer.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Bernardo Rafaelito Alejandro IV, kumpleto sa sweldo at mga benepisyo ang mga uniformed personnel na ginagamit nila sa mga disaster response operation gaya ng mga pulis at sundalo.
Pero pagdating sa mga lokal na pamahalaan, karamihan sa mga rescuer ay mga volunteer o kontraktwal na wala namang natatanggap na benepisyo sa ilalim ng Civil Service Commission.
Punto ni Alejandro, ang pagbibigay ng karampatang benepisyo sa mga local disaster worker ay pagkilala rin sa mahalagang papel na ginagampanan nila sa panahon ng kalamidad.
“Kasi po, minsan limited po ang resources ng LGU, karamihan po dyan sa kanila mga volunteers lang po o contract of service na wala pong sapat na benepisyo,” paliwanag ni Alejandro sa interview ng RMN Manila.
“Kaya ang ang isang itinutulak namin ay itong Magna Carta for disaster workers na sana po ay bigyang pansin ng Kongreso para naman bigyan ng konting proteksyon o benefits itong local disaster workers natin,” dagdag niya.
Ang panawagan ng ahensya ay kasunod na rin ng pagkakasawi ng limang rescuer sa Bulacan sa kasagsagan ng Bagyong Karding.