Isinusulong sa Senado na maisama sa Cybercrime Law ang paggawa at pagpapakalat ng “fake news”.
Tinukoy ni Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., na hindi lang unique sa Pilipinas ang problema ng paglaganap ng fake news at ikinukunsidera na itong isang worldwide problem.
Sa Senate Bill 1590 na inihain ni Revilla, inaamyendahan nito ang Section 3 ng Republic Act 10175 o mas kilala na Cybercrime Prevention Act of 2012 na may layong protektahan ang publiko mula sa online falsehoods at manipulation.
Sa panukala ay ipinapaloob sa batas na i-classify at ideklarang krimen ang paggawa at pagpapakalat ng fake news sa pamamagitan ng computer system na may layong baluktutin ang katotohanan at iligaw sa tunay na impormasyon ang mga mamamayan.
Hinihiling naman ni Revilla ang agad na pagpapatibay sa panukala lalo’t lumabas din sa mga pag-aaral na 90 porsyento o siyam sa bawat sampung Pilipino ay ikinukunsidera ang fake news na isang malaking problema sa bansa.
Sa kasalukuyan, ang mga maikukunsidera pa lang na krimen sa ilalim ng Cybercrime Law ang mga content-related offenses tulad ng cybersex, child pornography, libel, cybersquatting, illegal access at interference sa personal at computer data systems, iligal na paggamit ng devices, sexual predation at online o phishing scams.