Kinalampag ni Senator Koko Pimentel ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP na agapan ang paghina ng halaga ng piso sa halip na atupagin ang pagpapalit sa disensyo ng ating mga pera.
Punto ni Pimentel, malayo sa bituka ng mga tao ang hitsura ng pera kaya hindi na muna ito dapat iprayoridad.
Magugunitang ini-anunsyo ng BSP noong Disyembre ang pagpapalit sa disensyo ng P1,000 perang papel na inaasahang ilalabas sa Abril.
Pahayag ng BSP, para yun sa dagdag na security features, mas hygienic at sanitized, mas sustainable at environmentally friendly, mas matibay at mas mura rin ang produksyon.
Pero giit ni Pimentel, ang halaga ng piso ay apektado ngayon ng krisis pang ekonomiya na dulot ng COVID-19 pandemic at sigalot sa pagitan ng ng Russia at Ukraine.
Diin ni Pimentel, pangunahing tungkulin ng BSP na protektahan ang purchasing power ng pera ng bansa at pangalawa rito ang pag-regulate sa banking industry.