Ilan pang senador ang kinalampag ang mga awtoridad para magsagawa ng masusing imbestigasyon at papanagutin agad ang mga sangkot sa hazing incident na ikinasawi ng criminology student na si Ahldryn Bravante.
Nababahala si Senator Jinggoy Estrada dahil mayroon pa ring gumagawa ng hazing rites kahit pa may mahigpit nang batas laban dito.
Ayon kay Estrada, nakakagalit malaman na mayroon pa ring mga kabataan na malalakas ang loob na magsagawa ng mali at mapanganib na gawain sa ngalan ng tinatawag nilang kapatiran.
Binigyang diin ng mambabatas na hindi kailanman sukatan ang karahasan para maging bahagi ng anumang organisasyon.
Dapat aniyang ibigay ang nararapat na hustisya para sa biktima at sa kanyang pamilya at iparamdam sa mga suspek ang buong pwersa ng batas nang hindi na tularan o maulit ang ganitong insidente.