Paglagda ng pangulo sa panukalang fixed term para sa AFP Chief of Staff, ikinalugod sa Kamara

Ikinalugod ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ang tuluyang pagsasabatas sa Republic Act 11709 na nagtatakda ng fixed-term para sa Chief of Staff (COS) ng hukbong sandatahang lakas.

Kasabay nito ang pasasalamat ng kongresista sa paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte para ito ay maging ganap na batas.

Ayon kay Biazon, isa sa mga principal sponsor ng panukala sa Kamara, ang pagkakalagda ng batas ay tuluyang puputol sa “revolving door policy” upang mapalakas ang professionalism at matiyak na tuluy-tuloy ang mga polisiya sa Armed Forces of the Philippines o AFP.


Inaasahan aniya na mahihinto na rin ang pamumulitika sa selection process sa pamunuan ng sandatahang lakas.

Sa ilalim ng bagong batas, gagawing tatlong taon ang “tour of duty” ng Chief of Staff (COS), Vice COS, Deputy COS at iba pang major service commanders sa Army, Airforce at Navy.

Aalisin na rin ang compulsory retirement age na 56 taong gulang.

Facebook Comments