Pagpapatigil sa operasyon ng lahat ng POGO sa bansa, ipinanawagan ng ilang senador

Muling nanawagan ang ilang mga senador sa tuluyang pagpapatigil operasyon ng lahat ng mga POGO sa bansa.

Kasunod na rin ito ng utos ng Malacañang na i-freeze ang lahat ng assets ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm na ni-raid kamakailan sa Tarlac.

Ayon kay Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian, wala naman talagang benepisyo ang bansa na makukuha sa POGO tulad ng sinasabi ng mga nagsusulong nito.


Sinabi pa ni Gatchalian na hindi lang krimen at kahihiyan ang dala ng POGO sa bansa kundi komplikasyon at malaking gastos dahil kinakailangang pakainin, bigyan ng matutuluyan at gastusan ang deportation ng mga dayuhang kriminal at mga unwanted workers ng mga POGO.

Giit naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, sana ay maging sapat na patunay na ito sa pamahalaan na may pangangailangan talaga para sa tuluyang pagpapatigil sa operasyon ng lahat ng mga POGO.

Kasabay nito ay pinasuri din ni Villanueva ang polisiya ng gobyerno sa operasyon ng mga sugal sa bansa lalo na ang online gambling.

Facebook Comments