Pagpapatuloy ng imbestigasyon sa negosyanteng si Atong Ang at kanyang mga empleyado dahil sa pagkawala ng mga sabungero, inirekomenda ng isang komite sa Senado

Inirekomenda ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drug ang pagpapatuloy ng malalimang imbestigasyon sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at kanyang mga empleyado sa Lucky 8 Star Quest.

Kaugnay ito sa pagkawala ng 34 na sabungero na may kinalaman sa online sabong o E-sabong na sinasabing huling nakita sa mga sabungan na pinapatakbo ni Atong Ang sa Maynila, Laguna at Batangas.

Ang rekomendasyong ito sa Philippine National Police – Criminal and Investigation Detection Group o PNP-CIDG at sa National Bureau of Investigation (NBI) ay laman ng may 77-pahinang report na iniakda ng chairman ng komite na si Senator Ronald “Bato” dela Rosa.


Lumagda naman sa report sina Senators Francis Tolentino, Richard Gordon, Risa Hontiveros, Bong Revilla, Ralph Recto, Franklin Drilon at Leila de Lima.

Iminungkahi rin sa report ang paglikha ng batas at pagpapatupad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng mahigpit na regulasyon sa operasyon ng E-sabong kung papahintulutan itong magbukas sa susunod na administration.

Sakaling bumalik ang operasyon ng E-sabong ay iginiit sa committee report na payagan lang ito tuwing araw ng linggo at legal holidays gaya ng nakasaad sa Presidential Decree 49 o Cockfighting Law.

Iginiit din sa report na dapat ay siguraduhin ng PAGCOR at mga money transfer facilities na hindi makakataya ang mga menor de edad sa E-sabong habang ipinakokonsidera ang mga sangkot sa E-sabong na maaring imbestigahan kaugnay sa money laundering.

Facebook Comments