Binatikos ng Department of Education (DepEd) ang pagpapakita ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ng suporta sa ikakasang tigil-pasada ng ilang transport group bukas.
Matatandaang unang binatikos ng ACT ang naging pasya ng DepEd na huwag suspendihin ang physical classes sa kabila ng isang linggong transport strike na anila’y patunay ng pagiging “insensitive” at kawalan ng malay ng ahensya sa hirap na daranasin ng mga guro at estudyante para makapasok sa eskwelahan.
Sa inilabas na statement, sinabi ni DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte na pangunahin sa agenda ng kagawaran ang learning recovery.
Giit ng kalihim, ang transport strike ay isang masakit na panghihimasok sa pagsisikap ng DepEd na masolusyunan ang mga problema sa sistema ng edukasyon at magpapalala lamang sa hirap sa pag-aaral ng mga estudyante.
“ACT supporting this transport strike, and shamelessly harping twisted justifications for it, only betrays its true colors — that it is a group that does not really serve the interest of students and teachers,” saad ni VP Sara.
“ACT should know that a weeklong transport strike, at this critical point in our efforts to remedy learning losses, is a learning disruption.”
“But ACT couldn’t care less if our efforts are hampered or if we fail because — as a lover of the useless ideologies espoused by the New People’s Army, the Communist Party of the Philippines, and the National Democratic Front of the Philippines — ACT’s dream is for our children to remain uneducated and poor,” giit pa ng kalihim.
Kasabay nito, nanindigan si Duterte na tuloy ang pasok ng mga guro at mag-aaral sa susunod na linggo, in-person man o online class, sa kabila ng tigil-pasada.
Hinamon din ng kalihim ang ACT na ipakita ang sinseridad sa sektor na dapat aniya nitong sineserbisyuhan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno na matiyak ang kaginhawaan ng mga mag-aaral habang isinasagawa ang transport strike sa halip na suportahan ang pagkilos.