Nangako ng buong suporta si House Speaker Martin Romualdez na isulong ang modernisasyon ng Philippine National Police Academy o PNPA na siyang pinagmumulan ng mga susunod na opisyal ng Pambansang Pulisya.
Inihayag ito ni Romualdez sa kaniyang pagdalo sa flag raising ceremony at sa Distinguished Visitors Program sa PNPA Grandstand sa Camp General Mariano N. Castaneda sa Silang, Cavite.
Diin ni Romualdez, panahon na para sa modernisasyon ng PNPA para maturuan ang ating kapulisyan ng makabagong paraan at kakayahan sa paglaban sa mga kriminal na gumagamit na rin ngayon ng teknolohiya at makabagong paraan sa paggawa ng krimen.
Giit pa ni Romualdez, importante rin na mapalakas ang morale ng mga kadete ng PNPA at dapat din silang pagkalooban ng mga benepisyo sa panahon ng disability, karamdaman o sakaling masawi habang nasa training.
Tiwala si Romualdez na kapag naisulong ang dagdag na mga benepisyo ay mas dadami ang mahihikayat na pumasok sa PNPA na magreresulta sa dagdag na pwersa ng kapulisan para mapangalagaan ang kapayapaan at kaligtasan sa bawat komunidad.