Hindi rin pinalampas ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong ang post sa X o Twitter ni Ambassador Teddy Locsin Jr. na dapat patayin ang mga batang Palestino dahil sa kanilang paglaki ay maari sila maloko o mapaniwala para pumanig sa paghahasik ng karahasan ng grupong Hamas laban sa Israel.
Giit ni Adiong, walang puwang sa ating lipunan at sa mga mataas na opisina ng gobyerno ang mga “dangerous, bigoted, at islamophobic” na pahayag ni Locsin.
Paliwanag ni Adiong, kailanman ay hindi dapat nagsasalita ang kahit na sinong Pilipino, lalo na ang mataas na opisyal ng pamahalaan, ng anumang paglapastangan sa mga inosenteng bata ng kahit na anong bansa.
Bagama’t binura na ni Locsin ang kaniyang social media post ay ipinaalala ni Adiong na bilang ambassador na kumakatawan sa mga mga Pilipino ay dapat maging maingat si Locsin sa pagbibitiw ng salita at dapat nitong palaging isulong ang ating hangad na kapayapaan at pagiging makatao.
Apela ni Adiong kay Locsin at sa lahat, trautuhin natin ng may pagrespeto at dignidad ang lahat ng tao para ganito rin ang maging pagtrato sa mga ating mga Pilipino at sa ating bansa.
Umaasa naman si Adiong na walang nakinig o naniwala sa naturang hindi kanais nais na pahayag ni Locsin.