Pinababawi na ni Senator Imee Marcos sa Department of Agriculture (DA) ang mga inisyung permit para mag-angkat 60,000 metriko tonelada ng galunggong at iba pang isda ngayong unang quarter ng taon.
Sabi ni Marcos, ito ang konklusyon mula sa isinagawang pagdinig ng Committee on Agriculture and Food na pinamunuan ni Senator Cynthia Villar.
Maliwanag para kay Marcos na hindi kailangang mag-import ng isda batay sa testimonya ng mga humarap sa pagdinig na marami at sapat ang natitira sa mga isda na inangkat nung nakaraang taon at mayroon pang paparating batay sa import permit noong 2021.
Diin pa ni Marcos, madadagdagan din ang suplay ng isda sa bansa kapag natupad ang kanilang rekomendasyon na maagang tapusin ang closed fishing season.
Mungkahi rin ni Marcos na tulungan ang mga mangingisda sa Mindanao na mailuwas at maibenta ang kanilang huli.
Kasama rin sa suhestyon na binanggit ni Marcos ang pamamahagi ng cold storage equipment at lubusin ang pakinabang ng mga fishpond dahil 60 percent ang hindi ginagamit.
Dapat din aniyang amyendahan ang National Fisheries Code upang maging mandatory ang approval ng National Fisheries and Aquatic Resources Management Council bago makapagpa-import ng isda ang DA.
Tahasan ding sinabi ni Marcos na pinagsisisihan nyang ang pagrerekumenda na italaga si Secretary William Dar sa DA na wala pa lang alam gawin kundi ang mag-import.