Palasyo aminadong marami pang dapat gawin ang pamahalaan upang maiahon sa hirap ang buhay ng ating mga kababayan

Batid ng pamahalaan na marami pang dapat gawin upang maiangat ang buhay ng mga Pilipino mula sa kahirapan.

Pahayag ito ni acting Presidential Spokesperson at Communication Secretary Martin Andanar, kasunod ng resulta ng Social Weather Stations (SWS) Survey kung saan lumalabas na 43% o 10.9-M na pamilyang Pilipino ang ikinokonsidera ang kanilang sarili na mahirap.

Ayon kay Andanar, naapektuhan lamang ng pagtama ng COVID-19 pandemic sa bansa ang mga proyekto na naabot na ng pamahalaan sa pagpapagaan ng epekto ng kahirapan sa bansa.


Ito aniya ang dahilan kung bakit binibilisan pa ng gobyerno ang mga hakbang nito para sa social at economic recovery ng Pilipinas, habang patuloy na binabalanse ang kalusugan ng mga Pilipino.

Kabilang aniya dito ang implementasyon ng Alert Level System na nagbigay daan upang makabalik operasyon ang sektor ng turismo at face-to-face classes ng mga mag-aaral at iba pa.

Kabilang din dito ang pag-adopt sa 10-point policy agenda para sa economic recovery, kung saan inatasan ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan na tiyakin na nakaangkla sa agendang ito ang kanilang mga programa at polisya.

Facebook Comments