Nagsagawa ng validation ang Malakanyang matapos lumabas ang ulat na diumano’y isang abogado na dating nasa Office of the Special Assistant to the President ang bumisita at nag-aabogado ngayon sa magkapatid na opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ayon kay Acting Presidential Spokesperson at CabSec. Karlo Alexi Nograles na base sa records ng Human Resources Management Office ng Malakanyang, si Atty. Daryl Ritchie Valles ay dating nagtrabaho sa ilalim ng Office of the President at nag bitiw sa pwesto noong March 1, 2021.
Sinabi pa ni Nograles na lumalabas din sa kanilang pagsusuri na matapos umalis sa Office of the President si Atty. Valles ay nagtrabaho rin sa isang tanggapan sa ilalim naman ng sangay ng lehislatura.
Kasunod nito nilinaw ni Nograles na ginawa nila ang beripikasyon sa layuning mabigyan ng tamang impormasyon ang media at ang publiko hinggil sa dating employment ni Valles.