Panawagan ni Sen. Bato dela Rosa para sa seguridad ng bise presidente, nilinaw na hindi pagbuo ng private army

Nilinaw ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na hindi pagbuo ng private army ang nais niya matapos ang ginawang panawagan sa mga retiradong pulis at sundalo na magbigay ng seguridad para kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Dela Rosa, marami na ang tumugon sa kaniyang panawagan sabay ng paglilinaw na gagamitin lamang ang mga ito sa panahon ng emergency.

Sa ngayon naman aniya ay sapat pa ang natitirang security detail ng bise presidente.


Paglilinaw pa ni Dela Rosa na hindi bibigyan ng armas ang mga volunteer security kaya’t ang panawagan niya ay para sa mga marunong sa hand-to-hand combat kung kakailanganing ipagtanggol ang bise presidente.

Muli ring iginiit ng mambabatas na mataas ang panganib sa buhay ng pangalawang pangulo dahil tulad ng kaniyang ama ay matindi rin ang kanyang paglaban sa New People’s Army (NPA) na sa ngayon ay muli nanamang nagpapalakas ng puwersa.

Facebook Comments