Nasa ‘danger level’ ang heat index o sobrang init na panahon sa 36 na lugar sa bansa.
Ang Dagupan City sa Pangasinan ang nakapagtala ng pinakamataas na heat index na nasa 47°C.
Dahil dito, nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na sa ilalim nito, mataas ang posibilidad ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke.
Bukod sa Pangasinan, nasa 45-46°C din ang heat index sa Laoag City, Ilocos Norte; Bacnotan La Union; Aparri at Tuguegarao, Cagayan; Echague Isabela; at sa Baler, Aurora.
Sa Metro Manila ay nagtala kahapon ng 42°C na heat index sa Quezon City habang 43°C naman sa Pasay City.
Una rito, nagtala nitong nagdaang lingo, April 28 ng 53-degree celcius sa Iba Zambales.
Ang heat index ay ang damang init sa katawan ng isang tao sa panahon na maalinsangan ang panahon.
Sinabi ni Dr. Ana Solis, hepe ng climatology department ng PAGASA na ang nararanasang init ay heat extreme dulot nang El nino phenomenon at summer season.