Pangulong Duterte, nanindigang wala siyang pinatay o kautusang pumatay ng tao

Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang pinatay o kautusang pumatay ng tao.

Ito ang pahayag ng Pangulo sa gitna ng mga alegasyon ng extrajudicial killings sa ilalim ng war on drugs.

Sa kaniyang public address, aminado si Pangulong Duterte na hindi mahihinto ang pagpatay sa mga kriminal lalo na mayroon pa ring giyera laban sa ilegal na droga at kriminalidad sa bansa.


“At maraming sinasabi ‘Rule of law, hindi ka naman sumusunod, marami kang pinapatay.” Wala ho akong pinatay na tao,” sabi ng Pangulo.

Mariin ding pinabulaanan ng Pangulo na nag-uutos siyang pumatay ng tao.

Aniya, maaaring iberipika ng publiko ang usaping ito sa kaniyang mga miyembro ng gabinete.

“Magtanong ka ng isang pulis dito sa Pilipinas, magtanong ka kay Secretary (Eduardo) Año sa DILG (Department of Interior and Local Government), magtanong ka kay (Delfin Secretary) Delfin Lorenzana, at may inutusan ba akong taong sinabi, “Patayin mo ito si Mr. Santos, Edmundo Santos, o patayin mo ito si Juan dela Cruz.’ I never do that,” ani Pangulong Duterte.

Dagdag pa ng Pangulo, nagsasagawa siya ng ‘discreet hearings’ hinggil sa mga nasabing pagpatay at nalaman niya na may ilang insidente na nag-ugat mula sa away ng mga sindikato at pinapatay ng mga drug dealers ang sinumang nagnakaw sa kanila ng pera at droga.

Ipinunto rin ni Pangulong Duterte na maraming sundalo at pulis ang nagbubuwis ng buhay sa paglaban sa mga kaaway ng gobyerno.

Binanggit din ng Pangulo ang mga rebeldeng komunista na ang layunin lamang ay sirain ang gobyerno at nag-iimbento ng mga istorya tungkol sa harassment, oppression at murder.

Facebook Comments