Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi makalilimutan ng kanyang administrasyon ang mga Filipino war veteran.
Sa pagdalo ng pangulo sa paggunita ng 78th Leyte Gulf Landing Anniversary sa Mc Arthur Leyte Landing Memorial National Park sa Palo, Leyte, inihayag ng nito na hindi matatawaran ang mga nagawa ng mga Filipino war veteran kaugnay sa ipinamalas na katapangan noong Japanese occupation.
Sinabi ng pangulo, mananatili ang alaala ng mga Pilipino dahil sa ipinakitang kabayanihan ng mga beterano na aniya’y nagbuwis ng buhay alang-alang sa bayan.
Hindi na aniya kailanman mabubura sa kasaysayan ang ipinamalas na kabayanihan ng mga beterano kapalit ng kalayaang tinatamasa ngayon ng mga Pilipino 78 taon na ang nakalilipas.
Nagpasalamat ulit ang pangulo sa sakripisyong ibinuhos ng mga beterano na kanyang binansagang ‘best of Filipinos’.
Binanggit din ng pangulo na bagama’t dating magkaaway ay masaya siyang magkaibigan na ngayon ang Pilipinas at Japan sa kabila ng anomang mga pagkaka-iba sa nakaraan.