Pangulong Marcos, pinasisiguro sa DSWD na hindi magugutom ang mga residenteng inilikas at apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon

Patuloy na naka-monitor si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa sitwasyon ng mga residenteng apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na simula pa nang nakaraang linggo ay palagi silang nag-uusap ng pangulo upang masiguro na lahat ng mga inilikas ay may sapat na pagkain at iba pa nilang pangangailangan.

Ayon pa sa opisyal may sistema na silang ipinatutupad para dito.


Siniguro pa ni Gatchalian na sa unang 15 araw ay sigurado na ang pagkain ng mga apektadong residente dahil hawak na ng kanilang mga LGU ang 38,000 food packs na ipinamahagi ng ahensiya.

Habang sa susunod na labing limang araw ay sagot naman ng provincial government, pagkatapos nito ay muling aakuin ng DSWD ang susunod muli na 15 araw para sa pagkain para sa kabuuang 45 araw.

Kapag tumagal pa aniya ang pag-aalburoto ng Bulkang Mayon, mag-uusap sila muli ng mga lokal na pamahalaan para sa panibagong yugto ng pamamahagi ng tulong.

Target aniya ng DSWD na mabigyan ng food packs ang inisyal na 8,000 pamilyang apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Aminado naman ang kalihim na hindi lahat ng kailangan ng mga apektadong residente ay nasa food packs kaya pinag-uusapan na rin aniya nila ng provincial government at congressional representative ang pamamahagi ng tulong pinansiyal, kung kailan at magkano ang pwedeng ibigay sa kada pamilya.

Facebook Comments