Panibagong balasahan sa gabinete ni PBBM, itinanggi ng Palasyo

Itinanggi ng Malacañang ang mga umuugong na balitang may panibagong balasahan sa gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, wala umanong napag-uusapan sa loob ng Palasyo kaugnay ng cabinet revamp, at wala rin siyang natatanggap na anumang abiso tungkol sa pagpapalit ng mga kalihim.

Dagdag ni Castro, posibleng espekulasyon lamang ang kumakalat kaugnay ng umano’y rigodon sa gabinete.

Pero kinumpirma ng Palasyo na nagpapatuloy ang performance review sa mga opisyal ng gobyerno, at nakadepende pa rin sa Pangulo kung siya ay kuntento sa kanilang trabaho.

Nauna rito, muling umugong ang ulat na posibleng maapektuhan ang ilang ahensya ng gobyerno, kabilang ang Department of Health (DOH), Department of Tourism (DOT), Department of Transportation (DOTr), Department of Foreign Affairs (DFA), Bureau of Customs (BOC), Department of Education (DepEd), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Economy, Planning, and Development (DepDev).

Facebook Comments