Panukala na layong matiyak ang proteksyon at benepisyo ng mga nasa media at entertainment industry, inihain sa senado

Inihain sa senado ang isang panukala na layong matiyak ang proteksyon, seguridad at benepisyo ng mga nagtatrabaho sa media at entertainment industry.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1183, o ang “Media and Entertainment Workers’ Welfare Act” na inihain ni Senator Bong Go, nakasaad na dapat magkaroon ng written contract na pirmado ng media entity at ng empleyado para matiyak ang proteksyon mula sa unjust compensation at masiguro na hindi nababalewala ang kanilang mga karapatan.

Sakali namang walang maging kasulatan, magbabayad ng multa ang media o entertaintment entity at hindi dapat mas mababa sa minimum standards ang ibinibigay sa kanila na mga benepisyo.


Bukod diyan, nagbibigay rin ito ng guidelines sa working hours ng mga nasa nasabing sektor kung saan hindi dapat lalagpas ng walong oras ang normal work hours.

Magkakaroon din ng karagdagang insurance benefits ang media workers kagaya ng death at disability benefits at bibigyan ng reimbursement ng aktwal na gastos sa pagpapaospital sakaling magtamo sila ng injury habang nasa trabaho.

Kinikilala rin ni Go ang tungkuling ginagampanan ng mga nasa sektor ng media at entertainment pagdating sa lipunan at ekonomiya at hindi raw matatawaran ang dedikasyon ng mga ito sa pagbibigay ng serbisyo publiko.

Facebook Comments