Isasalang na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala para maging self-reliant ang bansa pagdating sa depensa.
Ito ay matapos makalusot sa ikalawang pagbasa ang House Bill 10453 o ang “Philippine Self-Reliant Defense Posture Program Act” na may layuning palakasin ang national defense industry ng bansa at makamit ang pagiging self-reliant o hindi pag-asa ng bansa sa iba pagdating sa paggawa ng mga kagamitang pangdepensa at iba pang kaparehong serbisyo.
Kabilang sa mga pangunahing probisyon ng panukala ay para suportahan ang layuning magkaroon ng sariling produksyon at suplay na pangdepensa ang bansa upang protektahan ang pambansang soberenya, makipagtulungan at kunin ang partisipasyon ng pribadong sektor at mapahusay ang kakayahan ng bansa pagdating sa pagtiyak ng sapat na suplay, abot-kaya at de kalidad na defense materials at system.
Sa oras na maging ganap na batas ay malilimitahan na ang pagbili ng defense material sa mga dayuhang supplier.
Maaaring mabigyan din ng insentibo at kondisyon tulad sa tax exemption ang mga industry participant sa ilalim ng National Internal Revenue Code of 1997.
Inaatasan naman ang mga government financial institution na suportahan ang defense industry ng bansa sa pamamagitan ng pagtulong sa mga ito na mapadali ang kanilang development.