Panukalang batas para magkaroon ng pondo na magagamit sa panahon ng pangangailangan, inihain sa Kamara

Inihain ni Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano ang House Bill 10832 o Mandatory Savings Act of 2022.

Ang nasabing panukala ang nagbibigay utos na magbawas o ibawas ang 5% sa taunang budget ng gobyerno.

Ito ang magsisilbing pondo na magagamit sa panahon ng pangangailangan tulad ng kalamidad, krisis at pandemya.


Sinabi pa ni Cayetano, posibleng umabot sa P250 bilyon ang pondo na malilikom kung sakaling maisabatas ang kaniyang panukala.

Aniya, pwedeng magamit ng gobyerno sa pagtulong sa mga nangangailangan ang pondo sa mga darating na panahon.

Dagdag pa ni Cayetano, ang inihaing House Bill 10832 ay makakatulong o magbebenipisyo ang nasa 20 milyong pamilya sa panahon ng pangangailangan.

Paliwanag pa ni Cayetano, iba ang inihain niyang panukala sa tinatawag na contingent fund dahil dito kukunin ang ayuda na ipapamahagi sa bawat indibidwal sa mga darating na pagsubok.

Malaking tulong din ito sa mga may maliliit na negosyo upang makaahon sila at hindi na kumapit pa sa pautang sakaling malugi dahil sa pagsasara ng negosyo bunsod ng pandemya, krisis o kalamidad.

Sakaling maipasa, naniniwala si Cayetano na hindi basta-basta mauubos ang pondo dahil mapapalitan naman ito kada taon at hindi rin naman daw ito makaka-apekto sa ihahaing budget ng gobyerno para sa bansa.

Facebook Comments