Panukalang reporma sa MUP pension system, lusot na sa Kamara

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang House Bill No. 8969 o panukalang reporma sa pension system ng military at iba pang uniformed personnel (MUP).

272 mga kongresista ang bomoto pabor sa panukala, apat ang komontra apat at isang abstention.

Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, aayusin ng panukala ang sistema ng pagbibigay ng buwanang pensyon at iba pang benepisyo sa unipormadong hanay na magiging patas sa kanila at sa pamahalaan.


Nakapaloob sa panukala ang tatlong porsyentong pagtaas sa sahod ng mga MUP kada taon sa loob ng 10 taon mula sa pagiging epektibo ng batas.

Itatakda rin ng panukala ang mandatory retirement age ng MUP sa 57 taong gulang o kapag tumagal ito sa serbisyo ng 30 taon ng tuloy-tuloy at maari din silang boluntaryong magretiro matapos ang 20 taong pagseserbisyo.

Sa pinagtibay na bersyon ng Kamara, ay mananatili ang 100% indexation, habang tanging ang mga new entrants na lang ang obligadong magbayad ng kontribusyon kung saan 9% ang kanilang sasagutin at ang 12% naman ay babalikatin ng gobyerno.

Bubuo rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Trust Fund at Uniformed Personnel Services Trust Fund na exempted sa buwis.

Inaatasan din ang trust fund committee na magbigay ng tulong sa mga indigent pensioner.

Facebook Comments