Naglabas ng panuntunan ang Pasay Local Government Unit sa mga tutungo sa mga sementeryo sa lungsod ngayong Undas.
Kabilang na rito ang oras ng paglilinis sa sementeryo na papayagan lamang simula ala sais ng umaga hanggang ala singko ng hapon (6:00 AM- 5:00 PM).
Bukas naman ang tanggapan sa mga magbabayad ng amilyar ng nicho at lupa sa November 1 at 3.
Hindi naman papayagan makapasok sa loob ng sementeryo ang may lagnat, ubo, sipon at hindi bakunado.
Bukod sa bawal magkalat, bawal din ang magdala ng matutulis na bagay, nakakasunog, nakakalasing na inumin, maingay na bagay tulad ng speaker at gamit sa pagsusugal.
Mahigpit ding paiiralin sa mga sementeryo sa Pasay City ang safety health protocols tulad ng pagsusuot ng face-mask at pagsunod sa physical distancing.
Samantala, sa October 28 ang huling araw ng paglilinis at pagpipintura ng mga libingan, habang October 30 ang huling araw ng paglilibing at cremation.
Simula naman Oct. 30 hanggang November 2 ay bawal na pumasok ang lahat ng sasakyan sa mga sementeryo.