
Hinamon ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang panukalang itaas ng ₱200 ang arawang sahod ng mga pangkaraniwang manggagawa sa buong bansa.
Dismayado si Cendaña sa kawalan ng aksyon ng administrasyon sa mga nakabinbing panukalang batas para sa hirit na umento sa sahod ng mga mangagawa.
Giit ni Cendaña ang ₱200 minimum wage increase ang dapat maging tunay na Pamasko para sa mga manggagawa, hindi yung kathang-isip na ₱500 Noche Buena.
Ayon kay Cendaña, sana ay bilisan ng administrasyon dahil baka abutan pa ng Three kings na wala pa ring taas sahod.
Kaugnay nito ay nananawagan naman si Cendaña sa mga kapwa mambabatas na ipasa ang Wage Hike Bill kung seryoso ang Kamara na makuha ang tiwala ng taumbayan.
Ipinunto ni Cendaña na hirap magtiwala ang taumbayan sa mga pangakong reporma kung nakikita nila ang agwat ng pamumuhay ng mga public officials sa pamumuhay nila.









