
Ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kaukulang ahensya ang agarang paglilinis ng mga drainage at estero para maiwasan ang mabilis na pagbaha ngayong tag-ulan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, may 23 estero na ang nalinis ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Metro Manila.
Katuwang din sa paglilinis ng mga estero ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) beneficiaries at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kasabay nito, inatasan ng pangulo ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na tiyaking handa at alerto ang mga local disaster offices bilang mga first responders.
Pinaigting din ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang disaster preparedness sa bawat LGU, tulad ng pag-activate ng emergency operation centers, paghahanda ng evacuation sites, pag-update ng contingency plans, community drills at strict enforcement ng no-build zones.
Tiniyak ni Castro na patuloy ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya at Local Government Units (LGU) para masiguro ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng banta ng malalakas na bagyo at pagbaha.









