PBBM, pinapakilos ang kinauukulang ahensya ng gobyerno para sa pagsusulong ng kapayapaan at pambansang seguridad at paglaban sa kahirapan

Courtesy: Presidential Communications Office

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na tulungan siyang maisakatuparan ang pangako na i-angat ang antas ng pamumuhay ng mamamayan, isulong ang kapayapaan sa bansa at palakasin ang ating pambansang seguridad.

Inihayag ito ni Pangulong Marcos sa ginawang oath taking ceremony sa Malacañang ng mga opisyal ng National Amnesty Commission, National Anti-Poverty Commission (NAPC), Marawi Compensation Board, Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU).

Diin ni Marcos, mahalaga ang nabanggit na mga ahensya para maihatid sa publiko ang nararapat nilang benepisyo at serbisyo.


Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, sa nasabing okasyon ay ipinunto ni Pangulong Marcos na sayang ang gumagandang takbo ng ating ekonomiya kung hindi ito nararamdaman sa ibaba o ng taongbayan at iilan lamang ang yumayaman.

Kaugnay nito ay sinabi ni Pangulong Marcos sa NAPC na tumulong sa pamamahagi ng yaman ng bansa sa patas na paraan habang dapat ay gawin ng OPAPRU ang parte nito sa prosesong pangkayapaan.

Pinatututukan naman ng pangulo sa Marawi Compensation Board na makabalik na sa kanilang siyudad ang mga naapektuhan ng Marawi seige at dapat na rin nilang makuha ang kabayaran sa dinanas na pagdurusa dahil sa terorismo.

Facebook Comments