PBBM, pinuri ang maagang preparasyon ng mga ahensya ng gobyerno sa pagtama ng Bagyong Karding

Pinuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang naging paghahanda ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa pagtama ng Bagyong Karding.

Sa press briefing ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaninang umaga, ikinatuwa ng pangulo ang magandang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno.

Binigyang-diin din ng pangulo ang kahalagahan ng mahusay at maagap na magbibigay ng weather forecast ng PAGASA.


Una rito, ipinagmalaki ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang maagang pagsasagawa ng mga Local Government Unit (LGU) ng preemptive evacuation kaya’t walang gaanong naitalang fatality.

Alinsunod na rin ito sa direktiba ni NDRRMC Chief Jose Faustino Jr., na agad na i-activate ang Charlie Protocol na pinakamataas na protocol ng emergency preparedness kung saan nakapaloob din ang maagang pagde-deploy ng mga rescue at emergency assets.

As of 5AM ngayong araw, aabot sa 19,368 na pamilya o 74,542 individuals ang inilikas mula sa Regions 1, 2, 3, Cordillera Administrative Region, CALABARZON, MIMAROPA, National Capital Region at Bicol Region.

“Overall, kung titingnan po natin, napakaraming nag-preemptive evacuate at importante may episyenteng pagkain, may tubig at nakumbinsi agad lumipat. So that’s explain why Mr. President, halos walang fatality po tayo, napaghandaan po on the ground,” ani Abalos.

Iniulat naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang maagang pamamahagi ng ahensya ng mga relief goods bago pa man tumama ang bagyo.

Kasabay nito, hiniling ng kalihim na magamit ang air assets ng Department of National Defense (DND) para makapagpadala ng tulong sa Polillo Island at Catanduanes.

“Kagabi pa lamang po Mr. President, namimigay na po kami ng mga pagkain including those stranded sa mga pier po d’yan sa Batangas Port, sa may Sorsogon, pinapakain na po ng DSWD kasi sinagot na po natin,” saad ni Tulfo.

“As we speak, Sir, nagdi-distribute na po ang DSWD ng mga food sa iba’t ibang evacuation centers this morning hanggang kagabi pa. May mga ilang problem lang po kami Sir, we need air assets… Secretary Faustino, I might borrow his helicopter, airplane Sir to airlift some food items sa mga island ng Polillo, as well as Catanduanes,” dagdag ng kalihim.

Facebook Comments