Naniniwala ang Philippine Coast Guard (PCG) na hindi mangyayari ang paglaganap ng disinformation ng China sa West Philippine Sea kung walang ‘state actor’ na sumusuporta rito.
Matatandaang sinabi ni Coast Guard Spokesperson Commodore Jay Tarriela na may mangilan-ngilang Pilipino na sumusuporta at dumidepensa sa pagiging agresibo ng China sa Pilipinas.
Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security patungkol sa sitwasyon sa West Philippine Sea, kinuwestyon ni Senator Risa Hontiveros si Tarriela kung saan galing ang intelligence na mayroong ilang Pilipino na nagtataksil sa bansa at kung may mga senyales na ang disinformation campaign ay state-sponsored ng China.
Tugon ni Tarriela, ang mga impormasyon tungkol dito ay nakuha lamang niya sa mga kaibigan sa media na nakatanggap ng mga emails na naglalaman ng mga impormasyon na nais na ibaling ang atensyon at pokus ng mga Pilipino sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga agresibong aksyon ng China.
Dagdag pa ni Tarriela, batay pa sa kaniyang personal na pagkakaunawa, ang mga ganitong uri ng pagkakalat ng maling impormasyon ay hindi mangyayari kung walang ‘state actor’ na nasa likod nito.
Diretsahan namang tinanong ni National Defense Committee Chairman Jinggoy Estrada si Tarriela kung may kilala ba siyang Pinoy na kumakampi sa mga aksyon ng China pero sagot ng Commodore ay wala at siya ay sumasagot lamang sa ilang mga komento na kaniyang natatanggap.
Tinanong pa ni Estrada si Tarriela kung ang kaniya bang tinutukoy ay ang kolumnistang si Bobi Tiglao na unang nagpakalat na ang kaniyang amang si dating Pangulong Joseph Estrada ang nangako sa China na aalisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Tugon dito ng CG Commodore, kung hindi sumusuporta si Tiglao sa paninindigan ng gobyerno ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay maaaring pasok ito sa kategorya ng mga sinasabing traidor sa bayan.