Dahil sa pinaigting na pagbabantay, napigilan umano ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ginagawang small scale reclamation ng China sa Sandy Cay at Sabina shoal bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG sa isyu ng West Philippine Sea, pinuntahan ng kanilang divers ang seabed o ilalim ng karagatang nakapaligid sa Sabina shoal.
May mga nakita silang mataas na ang seabed pero sa kanilang pagsukat, hindi na nadagdagan ang mga ito kung saan maging sa Sandy Cay ay hindi na rin nadagdagan ang sukat ng mga nakita nilang tambak.
Aminado ang opisyal na palaisipan sa kanila kung paano nagagawa ng China ang pagtatambak ng mga durog na dead corals.
Pero kapansin-pansin na tuwing nagkakaroon ng tumpok ng Chinese vessels ay may mga nakikitang tambak ng patay na corals.
Ipinakita pa ni Tarriela ang mga larawan na kuha ng PCG kung saan makikita ang mataas na tambak ng durog na dead corals na above sea level na.
Dagdag pa ni Tarriela, sa 29 na araw ng pananatili ng kanilang barko sa Sabina shoal nasa 44 Chinese vessels ang kanilang na-monitor.