Kinumpirma ni Justice Secretary Boying Remulla na isa pang person of interest ang nadadawit sa pagpatay kay Journalist Percy Lapid.
Tinukoy ni Remulla ang isang Jose Palana Villamor na inmate sa New Bilibid Prisons.
Siya ay sinasabing pinsan ng namatay na isa pang suspek na si Jun Globa Villamor.
Sa ngayon, apat na katao na may apelyidong Villamor na ang nadadawit sa nasabing kaso at ito ay sina Crisanto Palana Villamor, Jun Globa Villamor at Jun Garcia Villamor bukod kay Jose Palana Villamor.
Tiniyak naman ng Bureau of Corrections (BuCor) na buhay pa si Jose Palana Villamor at siya ay secured o nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP).
Iginiit naman ni Remulla na sina Crisanto Villamor at Jun Villamor ay iisang tao lamang base sa kanilang pagsusuri sa mga impormasyon.
Ito ay bagama’t iginigiit aniya ni BuCor Spokesman Gabriel Chaclag na wala silang records ni Crisanto Villamor.
Pero mayroon silang inmate sa Bilibid na nagngangalang Jose Palana Villamor.
Sa ngayon, 7 pangalan na ang lumulutang sa Percy Lapid slay case.
Kabilang dito sina Joel Escorial, Christopher Bacoto, 2 Villamor, ang magkapatid na Israel at Edmon Dimaculangan, at isang Orly.