PH, nakapagturok na ng 659,000 COVID-19 jabs sa loob lang ng isang araw

Nakapagtala na ang pamahalaan ng halos 660,000 jabs o naiturok na COVID-19 vaccines sa loob lamang ng isang araw, na maituturing na record-breaking.

Ayon kay Testing Czar Vince Dizon, na aabot sa 659,029 COVID-19 vaccines ang naiturok sa isang araw, nahigitan ang target nito na 500,000 shots daily.

“For the first time po nalampasan natin ang ating target sa isang araw. Team effort po ito, lahat po nagsama-sama para maabot at malampasan pa natin ang ating target,” ani Dizon.


Binanggit din ni Dizon na ang pagtaas ng kumpiyansa ng publiko sa bakuna ay isa sa mga factor.

“Nakita naman natin sa mga nakaraang survey napakalaki na, halos dumoble mahigit ang kumpyansa ng ating mga kababayan sa bakuna. Dahil na rin yan sa konting takot dahil sa Delta variant,” sabi ni Dizon.

“Tayo ay natutuwa po na nakikita natin ang ating mga kababayan na dahan-dahan po ay naniniwala na sa bakuna at naniniwala po na kailangan nilang magpabakuna hindi lamang para protektahan ang sarili nila, kundi para protektahan ang mahal nila sa buhay,” dagdag pa ni Dizon.

Mula nitong July 27, aabot sa 18,174,405 individuals ang nakatanggap ng COVID-19 vaccines, at 6,838,403 ang fully vaccinated.

Facebook Comments