PhilHealth, tuloy-tuloy pa rin ang serbisyo sa kanilang mga miyembro sa kabila ng hacking incident; mga transaksyon, mano-mano muna!

Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na tuloy-tuloy ang kanilang transaksyon upang maserbisyuhan ang kanilang mga miyembro.

Sa kabila ito nang insidente ng hacking sa kanilang member portal, collection system at e-claims ng Medusa ransomware noong Biyernes.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PhilHealth Finance Policy Sector Senior Vice President Israel Francis Pargas na patuloy pa rin ang pagbibigay ng serbisyo sa kanilang mga miyembro pero magiging mano-mano muna sa ngayon.


Kaya umapela si Pargas ng pang-unawa sa kanilang mga miyembro.

Nasa 72 computer ang napasok ng hacker kung saan naapektuhan nito ang website o portal ng PhilHealth, collection system at e-claims kaya kinailangan nilang i-shut down ang kanilang system para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Pero, pagtitiyak ni Pargas, hindi nagalaw ang kanilang database kaya walang nag-leak na personal information sa kanilang mga miyembro.

Sa ngayon ay nakikipagtulungan na ang state insurer sa DICT, NTC at cybercrime unit ng PNP at NBI upang agad na maibalik sa normal ang kanilang serbisyo.

Nagsasagawa na rin sila ng imbestigasyon sa insidente kung saan isa sa anggulong kanilang tinitignan ay ang posibleng pag-click sa isang malicious site ng kanilang mga empleyado kaya sila na-hack.

Hindi rin isinasantabi ng PhilHealth na isang international criminal group ang may kagagawan ng pangha-hack upang makapangikil.

Nasa labingpitong milyong piso ang hinihiling na ransom ng mga hacker para maalis ang virus pero mariing iginiit ng PhilHealth na hindi nila ito babayaran.

Facebook Comments