Siniguro ng Philippine Air Force na nakasusunod sa highest standards of flight safety ang lahat ng kanilang eroplano.
Ito ang binigyang diin ni Air Force Spokesperson, Col. Ma. Consuelo Castillo makaraang makaranas ng bahagyang pagkaantala ang biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patungong Koronadal, South Cotabato kanina.
Ayon kay Castillo, lulan ang pangulo ng kanilang G280 Command and Control Aircraft subalit ilang minuto lamang makaraan itong mag-take off ay agad bumalik sa Villamor Airbase.
Ani Castillo, nagkaroon lamang ng minor technical issue sa nasabing aircraft.
Aniya, nagpasya ang mga piloto ng nabanggit na eroplano na bumalik sa Villamor airbase bilang bahagi ng precautionary measures.
Samantala, agad ding naihatid ang pangulo sa South Cotabato matapos itong makalipat sa kanilang eroplanong C295.