Pilipinas, nasa minimal risk case classification na lamang sa COVID-19

Maituturing nang nasa minimal risk case classification ang sitwasyon ng COVID-19 pandemic sa bansa.

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vegeire, bumaba pa ang Average Daily Attack Rate (ADAR) mula November 22 hanggang December 5 sa 0.67 sa kada 100,000 indibidwal.

Aniya, 13 mula sa 17 rehiyon ay nasa minimal risk na rin habang ang Metro Manila, Cordillera Administrative Region (CAR), Cagayan Valley at Zamboanga Peninsula ay nasa low risk case classification.


Naitala rin aniya sa bansa ang 1.80 percent na positivity rate o bilang ng mga positibong indibidwal na nasusuri.

Maliban dito, sinabi rin ni Vergeire na bumaba pa ang naitatalang arawang mga kaso sa bansa sa 42 percent o 544 average cases kada araw.

Ito ay siyam na beses na mas mababa kumpara sa naitalang kaso noong Hulyo 2021 na nasa 4,982 at mas mababa pa sa 1,130 na kaso kada araw mula December 27, 2020 hanggang January 2, 2021.

Bumaba rin sa 51 percent ang naitatalang COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) na limang beses na mababa kumpara noong Hulyo ng 2021.

Facebook Comments