Isinulong ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” Magsino na mabigyan ng pamahalaan ng higit na suporta at mga benepisyo at mapangalagaan ang mga ‘Persons with Autism.’
Sa datos ng Department of Health (DOH), noong 2018 ay umaabot na sa isang milyon ang mga Pilipinong may autism.
Sa inihaing House Bill No. 7892 ay tinukoy ni Magsino na ang ‘Autism Spectrum Disorder’ o ADS ay may iba’t ibang “level of severity” at bagama’t may kani-kaniyang silang sariling lakas ay karaniwang humaharap sila sa hamong hatid ng kahinaan sa pagsasalita o pakikipag-ugnayan sa kapwa at pagkakaroon ng paulit-ulit na pag-uugali, interes, o aktibidad.
Itinataguyod ng panukala ni Magsino ang isang kapaligirang makakatulong at magpapa-unlad sa mga taong may autism upang maging self-reliant, produktibo at tanggap sa lipunan sa pamamagitan ng mga mekanismo magbibigay sa kanila ng access sa edukasyon, trabaho, transportasyon, insurance coverage, at medical care and therapeutic services.
Tugon ang panukala ni Magsino sa pagdulog sa kanya ng mga pamilya na nahihirapang maitawid ang pag-aalaga sa kanilang miyembro na may autism dahil kulang ang suporta mula sa gobyerno.
Inaatasan ng panukala ang Department of Health (DOH) na maglatag ng isang programa para sa maagang pagsusuri at pagtuklas ng autism na may angkop na kailangang mga serbisyo.
Pinapakilos din ng panukala ang Philippine Council for Mental Health, sa pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulanga ahensya na bumuo at regular na mag-update ng isang National Autism Care Plan (NACP) na tutugon sa pangangailangan ng mga Persons with Autism at kanilang pamilya.