Walang nakikitang problema ang Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) sa plano ng gobyerno na mag-angkat pa ng mga bigas.
Ayon kay SINAG President Rosendo So, wala itong problema kung gagawin tuwing lean months o yung hindi panahon ng anihan.
Aniya, sa buwan pa ng Oktubre magsisimulang madagdagan ang local supply dahil kalagitnaan pa nito ang umpisa ng harvest season.
Pero sabi ni So, dapat gawing calibrated ang importasyon para hindi malugi ang mga lokal na magsasaka.
Babala pa niya, dapat alam ng gobyerno na mahal ang gagastusin sa importasyon lalo na’t tumaas ng $60 ang presyo ng kada metriko tonelada ng bigas.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi na kailangang mag-import ng bigas kahit na malaking bahagi ng Luzon ang sinalanta ng bagyong egay at nag-iwang ng pinsala sa agrikultura.