Buo ang suporta ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Raymund Yamsuan sa plano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na lumikha ng legal department sa loob ng Philippine National Police (PNP).
Sang-ayon si Yamsuan na kailangan ng isang departamento sa PNP na tututok sa pagtulong at pagbibigay proteksyon sa mga pulis na sinasampahan ng kaso na may kinalaman sa pagtupad nila sa tungkulin.
Para mapalakas ang mandato ng nabanggit na lilikhang departamento ay iginiit ni Yamsuan na sabayan ito ng mahigpit na pagpapatupad sa paggamit ng mga pulis ng body camera sa pagsasagawa ng operasyon.
Sabi ni Yamsuan, ang nabanggit na body-worn cameras ay magbibigay proteksyon sa mga pulis laban sa mga walang basehang reklamo at magagamit din nilang ebidensya sa imbestigasyon at pagpapalakas ng hinahawang kaso.
Diin pa ni Yamsuan, bukod dito ay magbibigay proteksyon din ito sa mga suspek o target ng operasyon laban sa mga mang-abusong alagad ng batas.