Arestado ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang dalawang suspek sa “Love scam” na nambiktima ng isang 72 taong-gulang na biyuda mula sa Batangas City.
Ayon kay ACG Spokesperson Police Capt. Michelle Sabino, nahuli ang babae at lalaking suspek sa entrapment operation sa Las Piñas nitong Oktubre 10.
Base sa reklamo ng biktima, nakilala niya noong March 27, 2023 ang isa sa mga suspek sa Facebook bilang Evans Maxwell na nagpanggap na Amerikanong manliligaw.
Dahil sa nahulog na ang kanyang loob, hindi nag-alinlangan ang biktima na magpadala ng ₱700,000 sa pamamagitan ng manager’s check sa isang Louie John Petere at ₱1.2-M naman ang ipinadala niya sa money remittance service sa isang Laiden Petere.
Nagduda na ang biktima nang hingan sya ng karagdagang $20,000 ng suspek at doon na nagsumbong sa mga awtoridad.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa Las Piñas Police Station, kung saan mahaharap sila sa swindling/estafa kaugnay ng paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act.