PNP, ikinatuwa ang papuri ng CHR kaugnay sa kaso ng lolong nagnakaw umano ng mangga sa Pangasinan

Ipinagpasalamat ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Dionardo Carlos sa Commission on Human Rights (CHR) ang pagpuri sa kanilang hanay dahil sa naging aksyon sa kaso ng lolong inaresto dahil umano sa pagnanakaw ng sampung kilo ng mangga sa Pangasinan.

Ito’y matapos kilalanin nitong Linggo ni CHR Spokesperson Jacqueline de Guia ang mga ginawa ng pulis ng Asingan PNP para pangalagaan ang karapatang pantao ng 80 taong gulang na si Lolo Nardo Flores.

Matatandaang isinilbi ng mga pulis ang arrest warrant kay Lolo Nardo na inisyu ng korte pero sa halip na ipasok sa kulungan, isinailalim lang nila ito sa kanilang kustodiya.


Nag-ambagan pa ang mga pulis para mabayaran ang P6,000 na piyansa ni Lolo Nardo.

Ikinatuwa ng PNP chief na naunawaan ng CHR ang ginawa ng mga pulis at umaasa ang heneral na malilinawan ang publiko na hindi walang puso ang mga pulis sa pagpapatupad nila sa utos ng korte.

Kaugnay naman sa suhestyon ng CHR na isulong ang amicable settlement sa kaso, sinabi ni Gen. Carlos na wala na ito sa hurisdiksyon ng PNP.

Facebook Comments