Muling nagpaalala ang Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) sa publiko hinggil sa naglipanang text scam kung saan na blocked di umano ang kanilang bank account.
Pinaka huling scam message na natanggap ng PNP-ACG ay mula umano sa BDO Unibank Inc. (BDO) na nagpapadala ng link sa kanilang mga customers para maberepika ang kanilang account upang maiwasang ma-deactivate.
Ayon sa PNP, hindi magpapadala ng text messages ang mga bangko sa kanilang mga kliyente na humihingi ng personal details o kung ano pa mang beripikasyon bagkus tatawag ang bank representative kung may kailangan itong impormasyon.
Sa ngayon, nagpadala na ng paalala o abiso ang BDO sa kanilang mga customer hinggil sa nasabing ilegal na aktibidad.
Una nang nagbabala ang PNP-ACG sa publiko hinggil sa mga text scam na nag-aalok ng trabaho na may kapalit na malaking sweldo o hindi naman kaya ay nanalo ng pa-premyo.
Samantala, inatasan na rin ng National Telecommunications Commission (NTC) ang Globe Telecom at Smart Communications na magpadala ng text blasts sa kanilang mga customer bilang babala sa naglipanang mga text scam.