Nagbanta si Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge (OIC) Lt. Gen. Vicente Danao Jr., sa mga pulis na patuloy na nasasangkot sa iligal na aktibidad partikular sa iligal na droga na may kalalagyan ang mga ito.
Aniya, hanggang ngayon ay may mangilan-ngilan pa rin daw siyang namomonitor na mga pulis partikular sa Police Officials at Non-Commissioned Officers ang sangkot sa transaksyon ng iligal na droga.
Sinabi pa ni Danao titiyakin niya na matatapos ang mga iligal na gawain ng mga ito sa kanyang pamumuno sa PNP.
Hindi rin daw mapapakinabangan ng mga pulis na ito ang mga perang nakuha nila sa iligal na gawain dahil kahit hindi raw maging four star general si Danao ay titiyakin niyang matatapos ang kalokohan ng iilang pulis na patuloy na yumayaman dahil sa iligal na droga.
Samantala, pinuri naman ni Danao ang mga tauhan ng PDEG dahil sa matagumpay na drug operation sa Valenzuela City kung saan nakuha ang 27 kilos ng shabu at naaresto ang ilang drug suspek.