PNP, tiniyak ang patas na pagtrato sa kabaro nilang nasangkot di umano sa hit and run incident sa QC

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magiging patas sila sa pag-iimbestiga sa kaso ni Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) Chief PLt. Col. Mark Julio Abong.

Si Abong ang sinasabing may-ari ng itim na Ford Ranger na nakasagasa sa isang tricycle driver na kalauna’y nasawi habang sugatan naman ang kaniyang pasahero.

Naganap ang insidente sa bahagi ng Anonas St., Corner Pajo St., Brgy. Quirino, Quezon City noong August 6, 2022.


Pero katwiran ng opisyal, hindi umano siya ang nagmamaneho nito kun’di ang isang nagngangalang Ronald Centino na in-charge umano sa maintenance ng kaniyang sasakyan kung saan ginamit ito ng walang paalam.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police BGen. Roderick Augustus Alba, naisampa na ang kaukulang kaso laban kina PLt. Col. Abong at Centino.

Sa ngayon si PLt. Col. Abong ay na-relieved na sa pwesto at na reassign sa District Personnel Holding and Accounting Section habang gumugulong ang imbestigasyon.

Una nang sinabi ni QCPD Director PBGen. Nicolas D. Torre III na hindi nila hahayaang maging instrumento ng anumang uri ng pang-aabuso ang kapulisan at kapag napatunayang may sala ang opisyal ay marapat lamang itong parusahan sa ilalim ng batas.

Facebook Comments