Pormal nang binuksan ngayong araw ang bagong molecular laboratory na itinayo ng Philippine National Red Cross dito sa Cotabato City.
Ito na ang kanilang ika-14 laboratoryo sa buong bansa na layong palakasin ang testing capacity ng PRC para sa COVID-19.
Ayon kay PRC Chairman and CEO Senator Richard Gordon na dumalo sa programa via Zoom, ang nasabing molecular laboratory ay equipped ng dalawang Polymerase Chain Reaction (PCR) machine at isang Ribonucleic Acid (RNA) estractor na kayang magproseso ng hanggang 2,000 test kada araw.
Aniya, ito ay naitayo sa pakikipagtulungan sa International Committee of the Red Cross para pagsilbihan ang mga mamamayan ng Cotabato City, Maguindanao, North Cotabato, South Cotabato at maging ang Davao Region.
Ito rin aniya ang pinakamahal na molecular laboratory na kanilang naitayo sa halagang 25 hangang sa 35 milyong piso.
Inanunsyo din ng PRC na ibinaba rin nito ang kanilang ang testing fees, ang dating 3,800 para sa swab test ay 2,800 pesos na lamang at ang saliva test naman mula sa dating 2,000 ay 1,500 pesos na lamang.
Sa kasalukuyan, nasa 200 COVID test lamang kada araw ang kapasidad ng Cotabato Regional Medical Center.