Private hospitals, kulang sa mga staff at nurse sa harap ng pinangangambahang Delta variant surge

Handa ang mga private hospital na magdagdag ng kama kasunod ng utos ng Department of Health (DOH) na itaas ang kanilang kapasidad sa harap ng pinangangambahang pagsipa ng COVID-19 cases sa bansa dahil sa Delta variant.

Pero ayon kay Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPi) President Dr. Jose Rene de Grano, bagama’t kayang maglagay ng kama, nagiging limitasyon naman nila ang kulang na mga staff at nurse.

Noong Marso, marami pa aniya ang nag-resign para mag-abroad o lumipat sa mga government facilities.


Bukod dito, nagiging problema rin aniya ng mga pribadong ospital ang mabagal na reimbursement para sa COVID-19 cases ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Katunayan, dalawang ospital na sa Digos City, Davao del Sur at sa probinsya ng Samar ang napilitang magsara dahil sa problemang pinansyal.

“Yun pong iba nating mga ospital, nagrereklamo pa rin po kasi yung 2020 nila na COVID cases, yun po ang hinahabol pa nila. At doon sa data po namin sa last naming survey, only 4% po ang nababayaran. Kaya yun po ang aming hinihiling na kung maaari e sana bilis-bilisan ang pagre-reimburse,” ani de Grano sa interview ng RMN Manila.

Facebook Comments