Itinuturo ng ilang mga organisasyon na ang pamilya ang kadalasang ugat o rason kaya nagiging ‘bully’ ang isang bata.
Sa pagdinig ng Senado patungkol sa Anti-Bullying Act, tinukoy ni Child Protection Network Foundation Executive Director Dr. Bernadette Madrid na batay sa National Baseline Survey noong 2016, naitala ang napakataas na physical violence na nararanasan ng mga kabataan sa kanilang tahanan na nasa 66 percent at ito ay iniuugnay nila sa resulta rin ng parehong survey kung saan ang mga kaso ng bullying ay naitala sa 65 percent.
Paliwanag ni Madrid, ang mga batang nagiging bully ay repleksyon lamang ng nararanasan nilang iba’t ibang karahasan mula sa mga miyembro ng kanilang pamilya.
Maliban sa physical violence, naitala rin ang emotional violence sa mga kabataan sa 58 percent at sexual violence sa 20 percent.
Hindi aniya napapansin ng mga magulang na ang mga malulupit na paraan ng pagdidisplina ay nauuwi sa pagiging agresibo ng mga kabataan.
Hiniling naman ni Institute for Psychosocial Services Founder Dr. Ma. Lourdes Carandang sa pamahalaan na magsagawa ng ‘nationwide advocacy o awareness’ patungkol sa ‘violence against children’ sa mga tahanan at ang epekto nito sa mga kabataan.
Naniniwala ang mga resource person na ang epektibong parenting program sa bansa ang isa sa mga magiging solusyon para mapababa ang kaso ng bullying sa mga paaralan.